Stories

Akala Ko


Valentine's Day

Sinusulat ko ito nang mag-isa sa kwarto, dim lights, at hinihila ako ng mga unan ko na mahiga, at yakapin sila. Kanina pa paulit-ulit ang playlist kong “Buwan,” “Di na Muli,” “Maybe the Night,” at “Leaves.” Ewan ko nga ba kung bakit trending yung mga kantang tungkol sa desperate love, unreciprocated feelings, o di kaya pag ibig na sadyang hindi tinadhana.

Pero ang nakakainis, akala ko ligtas na ko.
Akala ko ang “love life” ko ay ang Simbahan, ang “best friend” ko ay si Jesus, ang “anak” ko ang mga tao sa parokya, at ang “valentine’s date” ko ay si Mama Mary.

Pero eto ako ngayon. Mag isa.
Ewan ko nga ba kung bakit hindi pwedeng mag asawa ang mga pari. Ako naman, eto, dumadaan sa yugto ng buhay na lahat ng mga kaibigan ko, may mga “special someone,” at ako, wala.
Ang bitter.
Pero ang mas malaking tanong, ano nga ba ang love story ko ngayon? (Disclaimer: Kahit nasa seminaryo ako, syempre di ako papahuli sa love story. Haha!)

Pag nakatira ka sa isang community tulad ng seminaryo, totoo, masaya. Pero hindi maiiwasan, dahil sa maraming taong dapat pakisamahan, minsan challenging din. Tulad nalang kung pakiramdam mo, mag isa ka.
Minsan niyaya ko ang mga kaibigan kong mag out of town. Syempre, lahat sila natuwa, at nagsimulang magplano sa mga gagawin. Ilang linggo ang makalipas, noong akala ko’y hindi na tuloy, nalaman ko nalang na nakabili na pala sila ng ticket sa eroplano! Buti nalang pala nagtanong ako! So ang ending, ako nalang ang nag adjust.
Tapos, tulad din nung feeling na shinare mo sa grupo ang mga deepest, darkest fears at feelings mo, tapos akala mo mapapalalim na ang pagkakaibigan ninyo. Tapos sa dulo, ang konti ng shinare nila, bitin pa, at may halong tawanan na parang mga bata. Matanda na talaga ako. Ang ending, ako parin ang nag adjust.
At syempre, yung feeling na binigay mo na ang lahat, kinausap mo na, pinakinggan mo na, binigyan mo na ng payo, pero sa huli, hindi parin sya nagbago. Ikaw nalang talaga ang mag aadjust.

Oo, dito nagbunga ang love story ko. Sa mga panahong ubos na ubos na ako, at tinatanong ko na si Lord kung ano pa ba ang maibibigay ko. Marami naman akong natutunan sa Feast. Natuto akong makisama, magbukas ng sarili, magmahal ng mga mahirap mahalin.
Pero nandun na siguro ako sa point na nauubos din pala ako.
Nandun na ko sa point na ang main character ng love story ko ay hindi ang iba, kundi ang sarili ko.

Eto ang sinabi ng Spiritual Director ko.
“You always want to love others. But when others don’t love you back, you realize that you also don’t love yourself.
Wow. Lalim.
Pero totoo.
Akala ko kapag marami akong kaibigan, hindi ako mag isa. Akala ko dahil masaya silang kasama ako, hindi ako mag isa. Akala ko porke’t tinutulungan ko ang marami, hindi ako mag isa.
Pero ang mas malalim, nakalimutan ko pala ang sarili ko kaya ang pakiramdam ko, ako’y nag-iisa.

Kaya dahil Valentines week ngayon, I treated myself.
Sa labas ako nag lunch. Nanood ako ng sine. Bumili ako ng sapatos. Tumahimik ako sa Chapel at kinausap si Lord.
Simple lang. Pero pakiramdam ko, special ako. Masaya ako. Mahal ako, at walang makakapagbago noon.

Kapatid, hindi lahat ng may “special someone” ay masaya. Marami rin sa kanila ang nag-iisa. Kasi sa totoo lang, ang pagmamahal ni Lord na umaapaw sa puso mo ang tanging makakapagpaligaya sayo. Kapag nauubusan ka na, bumalik ka sa Kanya.

Ano ang love story ko?
Akala ko ligtas na ko sa ka-bitter-an ng buhay.
Buti nalang hindi. Kasi hindi rin pala ako ligtas sa pagmamahal ng Diyos.

Ako’y mag-isa, pero di nag-iisa.

How have you been blessed? We'd love to hear from you! Share us your story through info@thefeastmallofasia.com